Mala-Olympics ang Pilipinas sa hagupit ng habagat
Deliza Maye Fernandez

Akala ko pinakamalaking balita na sa Pilipinas sa buwan ng Hulyo at Agosto ang napakalaking bakbakan ng buong mundo sa London Olympics. Nang dumating ang habagat at humagupit sa bansa, pinatunayan nitong mali ang akala ko.

Pinaniniwalaang buntot daw ito ni Gener na hindi naman kalakasan ngunit walang tigil naman. Ang iba, inaakusahan pang feeling bagyo itong habagat na ito na lumelebel sa hagupit ni Ondoy noon. Ang iba, inihalintulad pa sa tukso na kay raming winasak na tahanan at matang pinaluha. Maraming klase at trabaho ang sinuspendido sa habagat na ito. Maraming tao ang nawindang dahil sa tanang kanilang buhay ay ngayon lamang sila binaha, sa hindi pa bagyong naturingan.

Isa sa mga hinagupit nito ang probinsya ng Bulacan kung saan tatlo sa labing-isang atletang pinoy ay dito nagmula. Habang pinipilit nilang iangat ang Pilipinas sa pagsubok na makamit ang medalya, heto tayo’t lumulubog sa baha.

Sa kasamaang palad nga, bigo tayong masungkit kahit isang medalya, kahit bronze, wala. Pero taas-noo pa rin ako bilang Pilipino dahil ang makapasok lang at makapagrepresenta ng bansa sa Olympics ay malaking karangalan na. Pero mas taas-noo ako sa mga Pinoy na nakita kong nakangiti at nagtutulong-tulong sa gitna ng unos na sinapit nila. Mas malaki ito kesa sa Olympics.

Aba! Dinaig ng isang volunteer ang weightlifter na si Hidilyn Diaz sa pagbuhat ng mga kapwa niya Pilipino sa gitna ng malakas na agos ng baha. Kaya bang magswimming ni Lacuna at Alkhaldi sa baha tulad ng ibang batang nakita kong nakangiti pa habang hinahagupit sila? Mas malakas ang suntok ng fighting spirit ng mga pinoy na nasalanta kumpara kay Barriga  kung boxing lang ng buhay ang pag-uusapan. Ang karera sa tunay na buhay, mahuli man, basta’t tinapos ang laban, panalo pa rin.

Hindi ko minamaliit o sinasabing mahina ang mga atleta natin kaya wala tayong maiuuwing medalya sa bansa. Ang akin lang, ang tunay na laban pala ay hindi lang tungkol sa medalya. May sariling karera ang mga pinoy ngayon at masasabi kong mas malaki ang hamon na ito. Natapos na tayo sa pagsabak sa napakalaking patimpalak sa London, subukan naman nating bumangon ngayon.

At para sa mga Pinoy na nagrepresenta ng bansa sa Olympics, saludo ako sa inyo. Hindi biro ang makipagsapalaran sa mga banyaga lalo’t hindi naman ganoon kaunlad ang training ground natin dito.


 


Aids Does Matter
Deliza Maye Fernandez

                   Ang ikatlong State-of-the-Nation Address ni Pangulong Benigno Aquino III kamakailan lang ay umani ng papuri sa mga Pilipino at sinasabing ito na raw ang pinakamagandang SONA ng pangulo. 

              Walo sa sampung taong aking nakapanayam ay nagustuhan ang kanyang SONA. Marami sa kanila ang nagbigay importansiya sa bahaging pangkalusugan na ipinahayag ni PNoy. Matatandaang ibinida ng pangulo ang pagtaas ng bilang ng nakaenroll ngayon sa PhilHealth. Mula sa 62% noong dating administrasyon, umakyat ito sa 85% sa kanyang pamamahala. 5.2 Milyon dito ang nakikinabang na sa No Balance Billing policy ng Department of Health. Sinabi pa niyang ang lunas sa mga sakit tulad ng Asthma, Pneumonia, Katarata, at maging ang iba pang Catastrophic diseases tulad ng breast cancer, Prostate Cancer, at Acute Leukemia ay makukuha ng libre ng mga pinakamahirap na Pilipino. Magandang balita rin ang tungkol sa pagtaas ng bilang ng mga nurses na naipapaabot sa mga bayan na mistulang napag-iwanan na ng pag-unlad. Saklaw ito ng Pantawid Pamilya.

                 Wala akong nakikitang masamang hatid sa pahayag ng Pangulo. Ang sa akin lang ay mas magiging ayos sana kung nabanggit din niya ang isyu tungkol sa Human Immunodeficiency Virus (HIV) na maaaring maging AIDS o Acquired Immunodeficiency Syndrome. Matatandaang lumobo ang may kaso ng HIV sa bansa simula ng bagong milenyo at patuloy pang lumulobo. Ayon sa Philippine National Aids Council, 9,669 na ang kumpirmadong may ganitong kaso sa bansa, maliit na bilang kung tutuusin sa 100Milyong tao sa Pilipinas. Pero hindi pa kabilang dito ang ilang mga taong may mga sintomas at hindi pa umaaming mayroon sila nito. 

                Ayon naman sa United Nation’s Department Program, Sampung impeksyon ang nadedetect kada araw. Tatlong beses sa naitala noong mga nakaraang taon. Ito ay nakakaalarma bilang ang Pilipinas ay isa sa pitong bansa sa mundo kung saan ang HIV ay mabilis na dumarami ng 25%. Malaking porsyento ang sinasabing dulot daw ng men-to-men sex. Marami ang nagsasabing dahil daw ito sa kakulangan ng kaalaman ukol dito at maging ang simbahang katoliko ay tampulan ng sisi ukol dito sa pagbabawal gumamit ng mga contraceptives.

                     Bagama’t pinaglalaban ni PNoy ang RH Bill, naniniwala akong mas pinag-uukulan niya rito ang pagpigil sa pagdami ng populasyon sa bansa. Naging matunog na ito noong nakaraang mga buwan. Gusto ko sanang malaman kung anong plano ng pamahalaan ukol sa nakakaalarmang virus na ito na hanggang ngayon ay hindi pa matukoy ang solusyon para dito. Sana’y katulad din ito ng kaso ng Dengue sa Bukidnon na mula sa 1,216 kaso ay bumaba na lang ito sa 37 dahil sa mosquito trap.